Press "Enter" to skip to content

Bus Na May Pasaherong Seafarers, Nadisgrasya Sa Pagbilao, Quezon

Bumangga sa bandang Pagbilao, Quezon ang isang bus na may lulan na mga seafarers na sumailalim sa 14 days quarantine sa Maynila. Ang bus ay bumangga sa harapang bahagi ng isang building at umararo sa dalawang bahay.

Ang aksidente

Ayon kay Quezon Provincial Police Officer (QPPO) Director P/Col. Audie L Madrideo, bandang alas-5:20 ng hapon nangyari ang sakuna. Ito ay batay sa ulat sa kanya ni Pagbilao Police Chief Major Reden L Romasanta.

Binabagtas diumano ng BK Travel and Tour bus ang south-bound lane ng Maharlika Highway sa Brgy. Bukal, Pagbilao, Quezon. Biglang mawalan ng kontrol ang driver nito na si Gualberto Flores Guzman at ipinihit ang steering wheel sa kabilang direksyon.

Ito ang naging dahilan upang bumangga ang bus sa dalawang kabahayan at isang building. Ang building ay pag-aari ni Adelaida Garcia ang ang dalawang bahay ay pag-aari nina Ireneo Ayala at Pedro Ayala.

Accident - Seafarer
Photo by: QPPO

Mabuti na lamang at wala sa kani-kanilang bahay ang mga may-ari nang maganap ang aksidente kung kaya’t hindi sila nasaktan.

Mga sugatan

Bunga ng pagkabangga ng bus, nagtamo ang driver at ang kanyang apat na pasahero ng injury sa iba’t ibang bahagi ng kanilang mga katawan.

Agad na isinugod ang driver na si Guzman at ang isa pa nitong pasahero na si Regine Joy Fuentes sa MMG Hospital sa Lucena City upang lapatan ng paunang lunas.

Injured - Seafarers
Photo by: QPPO

Samantala, ang tatlo pang seafarers na nasugatan ay binigyan ng first aid treatment ng Pagbilao disaster response officers. Ang tatlo ay nakilalang sina Reymar Balun Abendano, Michael Angelo Cruz Moreno at Romel Abello.

Pauwi na sana

Ang mga nasabing seafarers ay dumating sa Pilipinas sakay ng barko na mula sa ibang bansa. Alinsunod sa guidelines ng Department of Health (DOH), sumailalim sila at nakumpleto ang 14-day quarantine sa Maynila.

Bus Na May Pasaherong Seafarers, Nadisgrasya Sa Pagbilao, Quezon 2
Photo by: QPPO

Napag-alaman ding ihahatid na sana pauwi sa kani-kanilang tahanan ang mga seafarers nang mangyari ang naturang aksidente.

Source: Manila Bulletin

Be First to Comment

Leave a Reply

%d bloggers like this: