Press "Enter" to skip to content

Butuan City: Tinangay Ng Akyat Bahay Ang Nakaimbak Na Pagkain

Walong kawatan ang umano’y nanloob ng bahay sa Barangay Libertad, Butuan. Ang krimen ay naganap nitong Sabado, April 18 ng madaling araw.

Ang nangyari

Ito’y nangyari sa tahanan ni Jil Madel de Bord sa Acosta Village ng nasabing barangay. Pinaniniwalaang unang umakyat ang isa sa mga magnanakaw na nakasuot ng face mask sa kanilang water tank bago pinasok ang ikalawang palapag ng bahay.

Butuan City: Tinangay Ng Akyat Bahay Ang Nakaimbak Na Pagkain 2
Photo credit: Facebook

Ayon sa may-ari, hindi raw nila na-lock ang pintuan dito kaya’t dali-daling nakapasok ang mga kawatan.

Unang pinagdiskitahan ng mga nanloob ang kuwarto ng kasambahay ngunit wala silang nakuha roon. Ang kasambahay nama’y nagising sa ingay at napansin ang pangyayari ngunit nagpasyang magpanggap na natutulog upang protektahan ang kanyang sarili.

Ang mga kinuha

Nang makalabas ang mga kawatan sa kanyang kwarto, agad na tinawagan ng katulong ang kanyang amo. Inabisuhan naman ni Jil ang kasambahay na huwag nalang munang lumabas at unahin ang kaligtasan. Baka umano siya’y saktan pa ng mga lalaki.

Butuan City: Tinangay Ng Akyat Bahay Ang Nakaimbak Na Pagkain 3
Photo credit: Facebook

Dahil dito, nakapasok ang buong grupo ng nasabing mga kawatan at tulong-tulong na tinangay ang isang buwang supply ng pagkain ng mga residente sa bahay.

Kasama nito ang 40 kilo na bigas, mga de-lata, kape, at mga sabon. Nilimas din nila ang lahat ng nasa loob ng refrigerator tulad ng karne, isda, at iba pang mga nakapaketeng pagkain.

“Pang-isang buwang konsumo na sana namin ‘yong mga ninakaw dahil nga home quarantine,” sabi ni De Bord.

Payo ng pulisya

Pinaghahanap na ng mga pulis sa Butuan City ang walong nanloob na mga lalaki. Ngunit dahil sa facemask, hindi nila matiyak ang itsura ng mga akyat-bahay.

Butuan City: Tinangay Ng Akyat Bahay Ang Nakaimbak Na Pagkain 4
Photo credit: Philippine National Police

Payo naman ng pulisya ng nasabing lugar, mainam na ugaliin ng publiko ang pagkandado ng lahat ng pintuan sa kanilang tahanan bago matulog. Sa paraang ito, malaki ang tyansang maiwasan na maging biktima ng pagnanakaw na tulad nito.

Source: ABS-CBN News

Be First to Comment

Leave a Reply

%d bloggers like this: