Browse By

Ilang Celebrity Na May Kakaibang Talento

Karaniwan na sa mga artista ang magaling kumanta o sumayaw. Kumbaga kasama na sa package ang sing and dance talent na madalas gawin sa mga guestings at promotion ng pelikula o show. Ngunit may mga artista rin na may natatanging talento na bukod sa naipakikita ang kanilang galing ay napagkakakitaan din nila.

Kilalanin natin ang ilan sa mga artistang gumagawa ng pangalan hindi lamang sa mundo ng showbiz kundi sa iba pang larangan.

Heart Evangelista

Si Love Marie Ongpauco Escudero ay mula sa mayamang pamilya na may ari ng mga restaurant. Siya ay nagsimula bilang teen star noong 1990s hanggang sa nakilala bilang dramatic actress sa telebisyon at pelikula. Kilala rin siya bilang endorser, vlogger, at fashion icon. Pamilyar ang kanyang pangalan sa mga sikat fashion event tulad ng New York Fashion Week at Paris Fashion Week.

Bukod sa fashion at vlogging, hilig din ng asawa ng pulitikong si Francis Escudero ang pagpinta. Ayon sa kanya, bata pa siya nang magsimulang magpinta at pinakagusto niyang gamitin ang oil sa canvass.

Photo Credit: Heart Evangelista IG Account

Nang lumaon ay hindi na lamang siya sa canvass nagpipinta kundi maging sa mga gown at luxury bags tulad ng Hermes. Madalas nakikuwento ni Heart na nagsimula siyang magpinta ng bag nang aksidente niyang matapunan ng cheese fries ang kanyang orange designer bag, at sa kahahanap ng paraan na matakpan ang mantsa, nadiskubre niyang si Kim Kardashan ay nagmamay-ari ng hand-painted Birkin bag. Dahil dito, naisip niyang pintahan na rin ang kanyang mamahaling bag.

Nagpipinta si Heart ng mga luxury bags ng mga local at international collectors, at nililimitahan niya ang pagtanggap ng bag-painting jobs upang maging exclusive at limited edition ang mga ito. At maging ang French fashion house na Hermes ay aprubado sa pagpinta ng aktres sa kanilang mga bag. Sa katunayan ay nag-organisa pa sila ng isang event para sa kanya.

Paolo Ballesteros

Si Paolo Elito Macapagal Ballesteros IV ay tubong Cabanatuan, Nueva Ecija. Nakilala si Paolo bilang commercial model, actor, at variety show host. Mainstay siya ng Eat Bulaga, ang longest-running noontime show sa Pilipinas, mula 2001. Marami na rin syang nagawang pelikula bilang artista at komedyante

Photo Credit: Paolo Ballesteros IG Account

Mahilig magpinta at magdrawing si Paolo. Hindi nakapagtataka ang artistic inclination ng aktor dahil siya ay apo sa tuhod ng sikat na pintor at pinakaunang National Artist ng bansa na si Fernando Amorsolo. Ngunit mas nakilala siya sa kanyang make-up skills na gumagaya sa mukha ng mga sikat na local at international celebrity.

Noong 2015 ay gumawa ng ingay abroad ang make-up transformation ni Paolo kay Beyonce. Ilan sa kanyang make-up transformations sina Angelina Jolie, Julia Roberts, Marilyn Monroe, 2018 Miss Universe Catriona Grey, Regine Velasquez, at Vic Sotto.

Jeffrey Tam

Nakilala si Jeffrey Tam sa showbiz bilang rapper at komedyante na madalas gumaganap sa mga pelikula at television shows bilang Tsinoy.  

Pangarap niya talaga ang maging artista, ngunit bata pa lamang ay mahilig na sa magic si Jeffrey. Dose anyos siya nang natuto ng magic tricks. Ayon sa kanya, madalas siya gumawa ng magic tricks sa set ng mga pelikula at shows niya kaya naman napagtanto niya na puede siyang magpakita ng magic tricks sa telebisyon.

Photo Credit: Jeffrey Tam Official FB Page

Marami nang natanggap si Jeffrey na parangal sa larangang close-up magic. 2008 nang una siyang sumali sa isang international magic competition kung saan siya ang nanalo. Mula noon ay sunod-sunod na ang kanyang mga sinalihan at napanalunang kompetisyon sa pagmamagic.

Naipadala din sya sa FISM World Championships of Magic bilang kauna-unahang Pinoy na nakasali sa patimpalak. Nirepresenta niya dito hindi lamang ang Pilipinas kundi ang buong Asia. Natanggap naman niya noong 2012 ang Merlin Award, isa sa pinakaprestihiyosong award sa larangan ng magic na ayon sa kanya ay parang Oscars ng mga magician.

Hero Angeles

Nakilala si Hero Gervacio Angeles bilang Grand Questor ng first batch ng Star Circle Quest sa ABS CBN noong 2004. Kasama ang kanyang loveteam at First Runner Up ng SCQ na si Sandara Park, lumabas si Hero sa mga show sa ABS CBN at ilang box-office movies bago siya naging inactive sa showbiz.

Nag-aaral si Hero ng Fine Arts sa UP Diliman nang siya ay sumali sa SCQ at napabalitang binalikan niya ito noong habang naka-hiatus sa showbiz. Bilang visual artist, naging illustrator at graphic artist siya nang mga panahong iyon.

Photo Credit: Hero Angeles IG Account

Noong 2014 ay nilaunch ni Hero ang online art gallery na ARTCETERO kung saan siya lumilikha ng iba’t-ibang artwork. Ayon sa kanya, taon-taon gumagawa siya ng series sa iba’t-ibang medium tulad ng ink doodle na tinawag nyang Inkterlace; painting gamit ang kape na tinawag niyang Kopinta; Scribble art; miniature watercolor painting na tinawag nyang Magnifeyed; at ang kanyang sikat na sikat na miniature food art o sculpting gamit ang polymer clay.

Nabigyan na rin ng pagkilala si Hero ng National Consumer Affairs Foundation (NCAF) na pinarangalan siya ng 2015 Dangal ng Bayan Outstanding Visual Artist Advocate, at 2016 Natatanging Pintor na Tagataguyod ng Sining Biswal na mula naman sa Bahay Kubo ng Sining Foundation, Inc. (Bakusi Foundation). Nakapag-exhibit na rin siya at nakapgconduct ng ilang workshop para sa mga future artists na nais din matutuhan ang kanyang visual art.

Michael V

Isa si Beethoven del Valle Bunagan o Michael V sa mga artista na maituturing na multi-talented. Mas kilala ang premyadong aktor bilang singer-composer at komedyante na mapapanood sa longest running gag show sa telebisyon, ang Bubble Gang.

Photo Credit: Michael V Instagram Account

Marami na ring nakababatid na si Michael V ay isa ring magaling na manunulat. Nagsusulat siya ng script para sa mga show katulad ng Bubble Gang at Pepito Manaloto kung saan kabilang na siya sa creative team ng mga programang ito. Ginawa niya rin ang script ng pelikulang Family History.

Noong 2015 ay nagsagawa si Michael V ng creative writing workshop para sa mga aspiring comedy writers kasama ang Creative Team ng GMA7.

Konklusyon

Ang mga artista, bagama’t pinili nilang trabaho ang pag-arte sa pelikula at telebisyon, ay may mga talento ring iba sa kanilang gawain. Hindi natin puedeng sabihin na ang mga artista ay hanggang pag-aarte, pagsayaw, at pagkanta na lang ang alam.

Tulad ng mga itinampok na artista, marami pang celebrity ang may mga angking talento at kakayahan na malayo sa mundong kanilang ginagalawan. Pinagsikapan nilang hubugin at linangin ang mga talentong ito upang sa paglipas ng panahon ay mapakinabangan nila at makaambag sa pagpapalawak ng kanilang sining at pagkatao. Nawa’y maging inspirasyon natin sila at patuloy nating tuklasin ang ating mga natatagong talento at gamitin natin ang mga ito sa tama upang tayo rin ay maging inspirasyon para sa iba.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *