Isang Lolo na taga-Masbate ang inatake sa puso dahil sa pagkadismaya. Ito ay dahil sa pagtanggal sa kanya sa listahan ng mga bibigyan ng SAP ( Social Amelioration Program) ng DSWD (Department of Social Welfare and Development). Lubos ang naramdaman na lungkot ng matanda.
Nadismaya si lolo
Lungkot at pagkadismaya ang dala ni Lolo Avelino Caliwan, taga Barangay Matayum, Masbate, matapos siya magpunta at pumila sa kanilang barangay. Maaga pa lang ay gumayak na ang matanda para pumila sa dahil ibibigay na daw ang ayuda na galing sa DSWD.

Ngunit sa kasamaang-palad, sinabihan na lamang ang matanda na umuwi na lang sa kanila, sabay sulat sa form ng “for validation”. Kaya hindi siya nakasama sa listahan ng mga bibigyan ng limang libo na ayuda. Pagkatapos ng mahabang pila at matagal na paghihintay wala man lang nakuha si Lolo.
Sa labis na pagka-lungkot sa pangyayari, dinamdam ni Lolo ang pagka-udlot ng pagtanggap niya ng ayuda. Lalo pa at nalaman niya na ‘yung ibang mga senior citizen na may pension pa ay nakatanggap, samantalang siya na wala naman tinatanggap buwan-buwan ay bakit hindi nabigyan.
Inatake sa puso
Kinahapunan ay inatake sa puso si Lolo Avelino, siya ay dinala sa Provincial Hospital of Masbate. At dahil sa kanyang atake, hindi na maigalaw ng matanda ang kalahati ng kanyang katawan.

Nakakalungkot lang dahil lang sa pangyayari na ‘yun ay muntik ng malagay sa alanganin ang buhay ni Lolo. Naghihirap na nga at halos wala ng makain ang pamilya nila, nadagdag pa ang pagka-ospital niya.
At sa kasamaang-palad, hindi na siya makakapila pa kung dumating ang araw na ibibigay na ang kanyang pera. Ang tanong lang, dumating pa kaya ang araw na ‘yun?
Nais magreklamo
Napag-alaman na nakalista na ang pangalan ni Lolo Avelino sa payroll list ng SAP. Sa hindi malamang dahilan ay bakit hindi ito na-ibigay sa matanda. Hindi man lang ito nai-paliwanag ng maayos kung ano ang kanilang naging basehan sa pagkansela ng ayuda na para kay Lolo.

Sa kabila ng nangyari kay Lolo, wala siya ibang hinihiling kundi mapa-abot ang kanyang reklamo sa mga nasa katungkulan. Nais niya daw mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kanya. Dahil hindi lang daw siya ang nakaranas ng ganito, marami rin tulad niya ang hindi nabigyan sa hindi alam na dahilan.
Maging patas
Minsan talaga hindi nagiging patas ang lahat. May mga taong mas nangangailangan pero hindi naman sila nakikita. Pero may mga tao ring nabibigyan kahit hindi naman kwalipikado. Maging pantay na lang dapat ang mga nagbibigay, wala na lang lamangan o kurakutan.
Dahil sa dinaranas natin na krisis ngayon, walang dapat manaig kundi ‘yung pagkakaisa at pagtutulungan sa kapwa. Mayaman man o mahirap, kung may kakayahan tayong tumulong, sige lang, dahil malalabanan natin ang mga problema na ating kinakaharap.
Be First to Comment