Browse By

Mga Sikat Na Pinoy Celebrity Businesses

Ang pag-aartista ay hindi panghabangbuhay na propesyon. Bukod pa dito, pana-panahon ang dating ng mga pelikula, television shows, at commercials: may mga panahong sunod-sunod, minsan naman madalang, at may mga pagkakataong halos walang dumarating. Kaya naman maraming mga artista ang nag iinvest sa negosyo upang may mapuntahan ang kanilang naipon sa ilang taong pagtatrabaho sa industriya.

Narito ang lima sa mga sikat na businesses na pag-aari ng mga artista:

Ystilo Salon

Photo Credits: Ystilo Salon IG Account

1999 nang magbukas ng modern Spanish style salon sina Vina Morales, ang kanyang kapatid at asawa nito. Sa ngayon, pag-aari na ito ng apat na magkakapatid na Magdayao kasama si Shaina.

Mahigit 20 na rin ang branches ng salon sa buong Pilipinas. Binuksan na rin nila ang franchising para sa ibang branches lalo na sa mga probinsya.

JT’s Manukan Grille

Photo Credits: JT’s Manukan Grille FB Page

Isa itong restaurant na nagseserve ng pagkaing Ilonggo at specialty nila ang Bacolod style chicken inasal. Ito ay pag aari ni Joel Torre na isang Negrense. Isa itong take-out counter nang binuksan noong 2003.  

Kalaunan ay naging restaurant na ito na may delivery at catering services at bukas na rin para sa franchising. Sa ngayon, mayroon na sila ng higit 25 branches nationwide at mayroon na rin silang food truck.

The Sexy Chef

Photo Credits: The Sexy Chef FB Page

Ito ay diet food delivery service na itinatag ng magkapatid na Rachel Alejandro at Chef Barni Alejandro noong 2004. Para ito sa mga taong diet conscious ngunit gustong kumain ng masarap at masustansyang pagkain. Tumatanggap sila ng catering services at nagdedeliver ng party trays at ala carte meals para sa tanghalian at hapunan.

Maaaring pumili sa kanilang meal plans na Low Calorie Diet, Mediterranean Diet, South Beach Diet, Calorie-controlled Diet, Plant-based Diet, Ketogenic Diet, at Prescription Diet Meals.

KathNails by KCMB

Photo Credits: KathNails FB Page

Ang nail salon and spa na ito ay binuksan ni Kathryn Bernardo noong 2017 dala ng kanyang hilig sa pagpapalinis ng kuko na nagsisilbing bonding time na rin niya at ng kanyang ina. Sa loob ng isang taon ay dumami na agad ang branches nito at binuksan na rin para sa franchising.

Nag-ooffer ang KathNails ng hand and foot care, nail art, nail extensions, gel nails, eyelash enhancement, threading, massage therapy, body scrub, waxing, at paraffin treatment. May mani-pedi at foot spa din sila para sa mga bata.

Mr. Vin Munchies, Tito Marvs Food To-Go, at Cochi by Marvin

Photo Credits: Secret Kitchen FB Page

Ito ang online food businesses ngayong pandemic ng sikat na celebrity restaurateur na si Marvin Agustin na may-ari rin ng SumoSam, John and Yoko, and Wolfgang’s Steakhouse, at iba pa. Ang food brands na ito, kasama ang ilan sa mga food offerings ng kanyang mga restaurant ay nasa ilalim ng kanyang online food store na secretkitchen.ph.

Sa pansamantalang pagsara ng kanyang mga restaurant nang maglockdown dahil sa pandemic, napagtuunan ni Marvin ang pagbebake ng banana bread, carrot cake, cheese rolls, ensaymada, brownies, at iba pang baked treats. Dito nagsimula ang brand na Mr. Vin Munchies.

Ang Tito Marvs Food To-Go naman ay mga party at daily staple tulad ng pansit, spaghetti, lechon kawali, tonkatsu, ebi tempura, lumpia shanghai, kare-kare, barbecue, liempo, at iba pa. Maari itong bilhin na nakabilao, food tray o ala carte.

At sa kagustuhan na masulit ang kanyang industrial oven kapag hindi siya nagbebake, sinimulan naman ni Marvin ang paggawa ng cochinillos o baked suckling pigs at binibenta sa ilalim ng brand na Cochi by Marvin. Ito ang bestseller sa kanyang online food offerings.

Konklusyon

Walang katiyakan ang pag-aartista. May mga panahong sobra ang ningning ng iyong bituin, at may mga panahon namang lumalamlam ang kinang nito. Madalas sabihin sa industriya, “strike while the iron is hot,” mag-ipon hangga’t bata pa at kaya pang magtrabaho, at mag-invest sa negosyo, real-estate, at iba pang puwedeng mapagkakitaan upang sa panahong hindi na busy sa showbiz, may mapagkukunan ng gastusin.

Walang pinagkaiba sa mga ordinaryong tao tulad natin. Walang katiyakan ang buhay. Maging inspirasyon nawa natin ang mga artistang ito na naging masinop sa pera at nilagay sa ayos at pinahalagahan ang perang pinagpaguran.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *