Press "Enter" to skip to content

Pagpapalayas Ng Pulis Sa Kanyang Mga Nangungupahan, Inusisa Ni Idol

Nabigyang linaw sa programang Raffy Tulfo in Action ang naging isyu sa pagpapalayas ng isang pulis sa kanyang mga nangugupahan sa panahon ng ECQ (Enhanced Community Quarantine). Pinalayas ang mga naturang nangungupahan hindi dahil sa hindi sila makabayad ng upa, kundi dahil sa patung-patong na reklamo laban sa kanila.

Ang viral video

Kamakailan lamang, naging viral ang isang video sa social media kung saan makikita ang isang pulis at ilang mga kasamahan nito na pumasok sa isang bahay na kaniyang pinauupahan. Nagsisigaw ang pulis at pilit na pinalalayas ang mga nangugupahan sa naturang bahay.

Pagpapalayas Ng Pulis Sa Kanyang Mga Nangungupahan, Inusisa Ni Idol 2
Photo Credit: Youtube

Sa isang punto, makikita din na bumunot ng baril ang pulis habang patuloy na sumisigaw at nagbibitiw ng mga masasamang salita.

Panayam sa napalayas

Kabilang sa mga napalayas ay si Nelson Empilo na isang construction worker. Sa panayam sa kanya ni Sir Raffy Tulfo, sinabi niya na sinisingil diumano sila ng anak ng may ari ng paupahan noong Abril 12. Nang sabihin na hindi pa nila kayang magbayad ng upa ay sinabihan daw sila na lumayas nalang.

Pagpapalayas Ng Pulis Sa Kanyang Mga Nangungupahan, Inusisa Ni Idol 3
Photo Credit: Youtube

Umalis sila sa kanilang inuupahan at ayon kay Nelson, tinapon na daw lahat ng mga naiwan nilang gamit sa naturang bahay.

Panayam sa nagpalayas

Kinilala bilang si Police Executive Master Sergeant (PEMS) Alex Macarunay ang pulis na may ari ng paupahan at ang nagpalayas kina Nelson habang may ECQ. Ayon sa kanya, sinumbong ng ibang boarders niya na nag iinuman ang grupo ni Nelson at nakaaabala na sa iba. Pinapunta niya ang kanyang anak sa lugar upang mapatotohanan ang sumbong.

“Tawagin mo ang tatay mong pulis at samahan pa namin kayo sa barangay!” ani ng isa sa mga nag iinuman nang sitahin ng anak ni sarhento.

Pagpapalayas Ng Pulis Sa Kanyang Mga Nangungupahan, Inusisa Ni Idol 4
Photo Credit: Youtube

Mariin ding itinanggi ni sarhento na naniningil sila ng upa dahil alam naman umano nila na wala pang pambayad ang mga boarders nila. Ang pakay lang niya ay patigilin ang inuman na nauwi sa pagpapalayas sa grupo ni Nelson. Dagdag pa niya, hindi siya nanutok ng baril at nabunot niya lang ito para protektahan sa posibleng pag agaw nito mula sa kanya.

Panayam kay chairman

Nakapanayam din ni Sir Raffy si Chairman Rey Legaspi ng Brgy 145, Pasay City upang makakuha ng karagdagang impormasyon ukol sa nangyaring insidente. Madalas daw diumano sawayin ng pulis ang grupo ni Nelson at maging siya mismo ay madalas din niyang sawayin ang mga ito.

Pagpapalayas Ng Pulis Sa Kanyang Mga Nangungupahan, Inusisa Ni Idol 5
Photo Credit: Youtube

Marami nang reklamong natanggap si Chairman laban sa grupo dahil sa madalas na pag iinuman at pag iingay sa lugar at madalas aniya ang pagsuway ng mga ito sa mga patakaran ng ECQ.

“..talagang pati ako sir nakapagmura rin sa kanila kasi ang pangit ng ginagawa sir eh na bakit gano’n araw-gabi lagi akong pahahabulin nang pahahabulin..”

Desisyon ni idol

Matapos marinig ang dalawang panig, diretsahang sinabi ni Sir Raffy kay Nelson na hindi niya sila matutulungan kahit pa ituloy nila ang pagsampa ng kaso laban kay Sergeant Alex.

Ani ni Idol Raffy na hindi mangyayari ang naging insidente ng pagpapalayas sa kanila kung hindi sila nag iinuman at kung sumusunod sila sa mga patakaran na inilatag ng gobyerno para sa ECQ. Panuntunan sa liquor ban at social distancing ang mga nalabag ng grupo ni Nelson.

Sa pagtatapos ng programa, tila hindi nagustuhan ng video uploader na si Mary Nobleza ang naging takbo ng usapan kaya’t sinubukan niyang makausap si Sir Raffy.

Sa kanilang maiksing panayam, napag alaman na hindi alam ni Mary at maging ang grupo nila Nelson na bawal ang pag inom sa panahon ng ECQ. Sa huli, nanindigan pa din si Idol sa desisyon niya na hindi sila tulungan.

Pagpapalayas Ng Pulis Sa Kanyang Mga Nangungupahan, Inusisa Ni Idol 6
Photo Credit: Youtube

“Hindi ko po kinukunsiti ang isang mali. Pag yung isa mali, trust me hindi ako tutulong sa isang taong gumawa ng kamalian. Pero kung yung taong sa nakita ko na nagsasabi ng totoo at gumawa ng tama then itataya ko po lahat.”

Source: Raffy Tulfo in Action

Be First to Comment

Leave a Reply

%d bloggers like this: