Ngayong umaga ay nagtipon ang mga myembro ng grupong Piston o Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide para sa isang “busina caravan.” Ginanap ang pagtitipon mula Fairview papuntang Philcoa, Quezon city.
Busina caravan
Panawagan ng grupong Piston sa pamahalaan ay ang pagbabalik ng mas maraming jeepney at ruta. Ito ay upang maibsan naman ang paghihirap na dinadanas ng mga jeepney driver sa gitna ng nagaganap na pandemya. Hangad ng mga drayber ay muling makapasada kahit pa man nakasailalim ang Metro Manila sa General Community Quarantine.

Zero phaseout
Liban pa sa panawagan na isandaang porsyentong balik-pasada para sa mga drayber ng jeep at operators, panawagan din ng mga ito ang zero phaseout. Sa zero phaseout ay inilalaban ng grupo ang pagpigil na alisin na sa kalsada ang mga tradisyonal na jeepney at palitan na ng modern jeepneys.

Ang pagkilos na ito ay ang ikatlong bugso ng panawagan ng grupo sa pamahalaan.
Maliit na porsyento
Kamakailan ay naglabas ang LTFRB ng aprubadong listahan ng mga ruta ng jeep sa Metro Manila. Ang listahan ay naglalaman lamang ng maliit na porsyento o bilang ng dami ng mga drayber o operator sa Metro Manila.

Debate naman para sa marami kung dapat o hindi na ba dapat ibalik ang mga tradisyunal na dyip sa bansa. At kung dapat nga ba isulong ang modern jeepneys. Ganunpaman, sakit sa bulsa ang dulot ng modernized jeepneys para sa marami dahil sa presyo nito.
Epekto ng quarantine
Ipinatupad ang tigil-pasada sa halos lahat ng pampublikong sasakyan dahil sa enhanced community quarantine. Ang laban ng bansa sa pandemiya na ito ay nagsimula apat na buwan na ang nakararaan. At isa sa mga higit na naapektuhan ay ang mga drayber at operator ng mga jeep.
Hindi lingid sa kaalaman ng marami ang nakakaawang sitwasyon ng maraming drayber ng jeep na kung saan ay namamalimos ang mga ito upang may maipang tustos sa pamilya dahil sa tumatagal at lumalalang sitwasyon sa bansa.
Source: ABS CBN News
Be First to Comment