Isa sa mga tumatak na kinatatakutan ng mga tao ay ang sinasabing ‘puting van’ na syang nangunguha ng kabataan at kadalagahan. Gayunman, napatunayan ng isang van na itinampok sa Kapuso Mo, Jessica Soho na hindi lahat ng puting van ay may dalang panganib bagkus isang sorpresa!
Car surprise
Patok ngayon ang tinatawag na ‘car surprise’ na kung saan ay kumbinyenteng hina-hire ng mga myembro ng pamilya na malayo sa kani-kaniyang mahal sa buhay. Ang serbisyong hatid ng car surprise ay malaking tulong para sa maraming OFW na nais surpresahin ang kani-kaniyang nanay, tatay, o kahit sinong mahal sa buhay na nandito sa bansa.

Isa sa mga itinampok at nakapanayam ay si Loren Jane Cabeta na mula sa Japan. Sa una ay alangan si Jane na kuhanin ang serbisyo ng car surprise dahil sa payment first policy nito. Gayunman, mariing inisip ni Jane ang hakbang hanggang sa ito ay sumugal sa nauuso at patok na pagsusurprise. At hindi nga ito nabigo sa serbisyo ni Bryan Marfil, ang owner ng van for surprise.

Sa kabilang banda, tagumpay ang malaking sorpresa ni Jane para kay Nanay Simeona. Para sa ika-72 na kaarawan nito, 72,000 pesos cash lang naman ang regalo ni Jane sa kanyang nanay. Liban pa diyan, presentable ang pagkakalatag ng sorpresa sa likod ng van. Naiyak sa tuwa si Nanay Simeona, aniya ito ang pinakamasayang kaarawan niya. Ani Jane, ang regalo nito sa kanyang nanay ang paraan nito para maibalik ang sakripisyo nito, pagmamahal, at pag-aaruga sa kanya bilang anak.
Inspirasyon
Naging inspirasyon ng car surprise business ni Bryan ang pagmamahal sa pamilya. Sa murang edad na 11-taon ay pumanaw ang kanyang nanay dahil sa sakit. Bagaman, may panghihinayang ito na hindi man lamang nito nagawang sorpresahin ang kanyang sariling nanay.

Maagang namulat sa pagbabanat ng buto si Bryan. Sa kanya ibinilin ng kanyang ina ang mga kapatid at simula noon ay namulat na ito sa pagtatrabaho. Dahil sa pagsisikap nito mula sa pagaalok ng mga bulaklak online, naisip nito ang konsepto ng car surprise.
Negosyo
Para kay Bryan, isang malaking kasiyahan sakanya na maging instrumento ng pagpapasaya ng mga pamilya. Sa tatlong taon nang pagtakbo ng kanyang negosyo ay marami nang nasaksihan si Bryan na ibat ibang reaksyon ng mga sinusurpresa. May nahimatay, at mayroon din nagagalit. Gayunpaman, sa huli ay kasiyahan, ngiti sa labi at tears of joy ang kinahahantungan ng kanyang mga kliyente.
Source: GMA Public Affairs
Be First to Comment