Nakatakdang iparating ni Bise Presidente Leni Robredo sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang mga alalahanin ng mga guro tungkol sa blended learning bago ang pagbubukas ng klase sa ika-24 ng Agosto.
Hindi pa handa
Sa kanyang lingguhang radio show noong Linggo, sinabi ni Robredo na ayon sa kanyang nakausap na grupo ng mga guro hindi pa umano sila handa sa panibagong taong pampaaralan.

“This week siguro, or Monday or Tuesday ipapadala ko sa DepEd iyong gist ng aming pinag-usapan… Susubukan ko rin na makipag-meet sa isang DepEd official about this,” ayon sa kaniya.
Hindi maayos na komunikasyon
Ipinunto ni Robredo na ang pagkabahala ng mga guro ay maaring nagmumula sa hindi maayos na komunikasyon.
Nabanggit niya na ang ilang mga guro ay wala pa ring ideya kung saan manggagaling ang mga learning modules pati na rin ang budget para sa pag-imprenta ng mga ito.
Ani nito,
“Nakita ko iyong sagot ng DepEd na ang modules daw ay naka-upload na sa internet. May [Education] undersecretary na nagsasabing nagbaba na actually sila, parang P9 billion for this [printing costs], so baka may lost in translation sila. Hindi alam ng teachers how to go about it.”

Dagdag pa niya,
“Kung iyong hinihiling nila na ibigay na, baka iyong pagkukulang nga iyong communication. So hinihiling natin from DepEd Central na siguraduhin na naka-cascade sa pinakababa iyong binababa nila sa mga region at saka mga divisions,” dagdag niya.
Proteksyon sa mga guro
Idinagdag din ng Bise Presidente ang panawagan ng mga guro para sa COVID-19 testing at regular na mga medikal check-up upang maprotektahan sila sa gitna ng pandemya.
“Humihiling sila na siguraduhin lang na habang nagre-render sila ng service, protektado. Tapos iyong sa kanila din, iyong pakiusap na sana hindi sila i-require na nagha-house visits kasi ang laki din ng risk. Ang laki ng risk sa kanila.”
Taong paaralan 2020-2021
Nauna nang inihayag ng DepEd na ang taong paaralan 2020-2021 ay magbubukas sa Agosto 24 sa kabila ng isang bagong batas na nagpapahintulot sa pangulo na ilipat ang petsa ng pagbubukas na lampas sa itinakda ng kagawaran.
Sinabi rin ng kagawaran na ang nasa 22.6 milyong mga mag-aaral ay nakapagpatala na kahit na mayroon pandemic.
Source: GMA News
Be First to Comment