Press "Enter" to skip to content

Single Mom Na Naghirap Dahil Sa Pandemya, Umasenso Dahil Din Sa Pandemya

Hindi naging hadlang para kay Minda Nacario ang kasulukuyang pandemya upang patuloy na umasenso sa buhay. Mula sa pagiging isang kahig isang tuka, siya na ngayon ang naging inspirasyon at sandigan ng mga taong apektado ng umiiral na community quarantine dulot ng COVID-19.

Mga pagsubok

Naging mapait ang naging buhay ni Minda noong magsimula ang enhanced community quarantine (ECQ) nitong nakaraang Marso. Bumagsak ang kaniyang negosyong printing shop at naghiwalay din silang mag-asawa.

Single Mom Na Naghirap Dahil Sa Pandemya, Umasenso Dahil Din Sa Pandemya 2
Photo Credit: GMA News Online

“Dumating ‘yong time na ‘yong baby ko walang diaper tapos nagkasakit siya, sabi ko wala akong pambili ng gamot hanggang sa dumating ‘yong time na pakainin ko na lang siya ng asukal. Kaya sabi ko, maghanap na talaga ako ng paraan kung paano ako makakuha ng pera, paano ako makaipon, makapagtinda-tinda.”

Simula ng pag unlad

Kahit na single mom, gumawa siya ng paraan maitaguyod lamang ang mga anak. Kaya’t sa maliit na puhunang 2,500 piso, nagsimula siyang magbenta online ng mga ilang pirasong manok. Naimbitahan din siyang magbenta sa fresh market on wheels ng Quezon City at sa tulong ng libreng jeep, nakapagbenta siya ng mga tindang manok sa mga taong apektado ng lockdown.

Pumatok ang bagong negosyong ito ni Minda kaya’t ang mga iilang manok na itinitinda niya ay dumami nang dumami hanggang sa maging limang tonelada na kada araw ang mga ito. Sa kasalukuyan, nakapagpundar na siya ng tatlong tindahan ng manok at nagpapagawa ng isang storage para sa kaniyang mga paninda.

Single Mom Na Naghirap Dahil Sa Pandemya, Umasenso Dahil Din Sa Pandemya 3
Photo Credit: GMA News Online

Umaabot sa 50,000 piso kada araw ang kaniyang kinikita at ang dating naglalakad lang para bumili ng mga paninda, ngayon ay mayroon na siyang dalawang sasakyan. Ang lahat ng tagumpay na ito ni Minda ay nakamit niya sa loob lamang nang tatlong buwan.

“Binigyan po ako ng pagkakataon kung paano ako kumita, kung paano po ako bumangon mula noong isang kahig, isang tuka. Pero dumating po ‘yong time na kaya naman pala, hindi naman pala puwedeng tuluy-tuloy ‘yong ganoon kung masipag ka talaga.”

Pagbabahagi ng biyaya

Sa kabila ng tinatamasang tagumpay, hindi nakalimot si Minda na tumulong sa iba. Ani ng kaniyang ate na si Rubelyn Metiang na nagtitinda na din ng manok,

“Napakalaking tulong po sa amin dahil wala pa po kaming malaking puhunan. Kaya ito po, pati mga pamilya namin natutulungan na po namin.”

Maging si Herbert Niño na kaanak ng dati niyang asawa ay natulungan din ni Minda. Si Herbert ay driver at kasama ni Minda sa pagkuha ng mga manok mula sa kaniyang supplier. Ani ni Herbert,

“Sa ngayon, kahit papaano nakakaluwag-luwag na po dahil lalung-lalo na nababawasan po ‘yong pag-iisip sa pamilya at may makakain na din po sila.”

Isa namang construction worker ang taga-chop ng manok ni Minda na si Ernesto Dura. Aniya,

“Kahit papaano may pinagkakakitaan po hindi kagaya noong una sa bahay lang po. Nakakatulong sa pamilya.”

Single Mom Na Naghirap Dahil Sa Pandemya, Umasenso Dahil Din Sa Pandemya 4
Photo Credit: GMA News Online

Bukod sa sipag at tiyaga, naging inspirasyon ni Minda ang kaniyang mga anak upang malampasan ang mga pagsubok at makamit ang tagumpay. Ito ang kaniyang mensahe sa mga taong tulad niya na pinadapa ng pandemya:

“Gamitin lang ang kaunting utak at tsaka ‘wag matakot muna kasi kung puro takot ang iniintindi natin, hanggang doon lang maabot natin. Nagtatago tayo sa kumot, gutom po tayo. Kaya kung gusto niyo pong i-try ‘yong ginagawa ko, wala pong imposible.”

Source: GMA News Online

Be First to Comment

Leave a Reply

%d bloggers like this: