Press "Enter" to skip to content

Ama, Naglakad Mula Pasig Hanggang Makati Dala Ang Bangkay Ng Anak Na Sanggol

Sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine, isang tatay ang napilitang maglakad mula Pasig papuntang Makati. Dahil sa walang masakyan, naglakad siyang dala-dala ang labi ng kaniyang anak na nakalagay lamang sa karton.

Sakripisyo ng ama

Ayon sa Facebook post ng Makati East Rembo, partikular na nilakad ng lalaki ang mula sa Rizal Medical Center sa Pasig hanggang Barangay East Rembo. Ito ay para mabigyan ng maayos na burol ang namatay niyang 32-day old na anak na lalaki.

Ama, Naglakad Mula Pasig Hanggang Makati Dala Ang Bangkay Ng Anak Na Sanggol 2
Facebook

Ang labi ng kanyang anak ay nakalagay lamang sa loob ng isang karton na isinara ng packaging tape.

Pahayag ng ospital

Sa inilabas na pahayag ng Rizal Medical Center, dinala ni Rodel Canas ang kanyang misis sa nasabing ospital noong Marso 11 para manganak.

Na-confine ang kanyang premature baby bago ito pumanaw noong Abril 13 dahil sa “respiratory distress syndrome caused by sepsis.”

Ayon sa ospital, umabot sa P246,789 ang bill ni Canas. Pero bilang indigent, maaari itong mabayaran ng financial assistance at kailangan lang magprisinta ng mga dokumento.

Ama, Naglakad Mula Pasig Hanggang Makati Dala Ang Bangkay Ng Anak Na Sanggol 3
Facebook

Hindi na raw nahintay ni Canas na matapos ang proseso at pumirma na lang ng promissory note. Nangako naman ito na babalik kinabukasan at aayusin lang ang burol ng kanyang anak.

Sabi ng isang hospital staff na siyang naglabas ng bangkay ng sanggol, nakiusap si Canas kung maaaring siya na lang ang mag-uwi sa kanyang anak dahil wala siyang pera para sa cremation.

Naglabas ng Opisyal na Pahayag si Dr. Relito M. Saquilayan tungkol sa balita na tumutukoy sa isang sanggol na ipinanganak at yumao sa Rizal Medical Center at ang kaniyang ama na nag-uwi sa kaniya.

Agarang aksiyon

Agad namang tinulungan ni Kapitana Thelma Ramirez ng East Rembo si Canas tungkol sa kanyang pumanaw na anak. Binigyan din niya si Canas ng Certificate of Indigency.

Sinagot ni Kapitana Ramirez ang gastos sa libing (cremation) ng sanggol. Hindi pumayag ang butihing Kapitana sa plano ng ama na ilibing lamang sa bakanteng lote ang bata dahil ito ay bawal.

Nagbigay din ng tulong pinansiyal ang Kapitana sa pamilya bukod sa food packs na galing naman sa MSWD.

Source: GMA News Online

Be First to Comment

Leave a Reply

%d bloggers like this: